Wednesday, May 20, 2009

Sentimyento ng Isang Nais Maging Makata (isang page mula sa aking diary)


Hindi ko alam kung bakit parang hinahatak ako ng papel at pluma. Para bang merong boses sa aking kalooban na nagsasabing "magsulat ka...magsulat ka..." Nababaliw na ba ako?


Kaya naman wala akong nagawa kundi sundin ang boses na iyon. Eto, nagsusulat ako sa kalagitnaan ng gabi, o umaga. Ewan. (Siguro mas mabuti kung sasabihin kong "...nagsusulat ako kahit madaling araw na..." FYI, 12:10 na ng umaga nung sinulat ko 'to! XD)


Ewan ko ba kung bakit nais kong maging isang makata. Siguro, para "...aking mailahad/ ang nasa aking kalooban... upang ...maisalaysay...kung gaano kasarap mabuhay...upang maisatitik/ ang awit ng kagalakan/ O ang panaghoy ng kalumbayan... (ang mabuti pa'y basahin mo ang tulang "Nais kong Maging Isang Makata" na nasa ibaba). Ngunit iniisip kong mahirap maghagilap ng talinghaga, at isa pa, hindi rin naman mailalathala ang mga tula ko sa mga aklat at peryodiko. Hindi rin naman siguro magkaka-interes ang mga kabataan at kahenerasyon ko sa pagbasa ng aking mga tula't sanaysay. Baka makornihan lang sila. (Pero sa totoo lang, mas gusto kong sumulat ng tula sa Wikang Filipino; tumatatak sa gunita, tumitimo sa budhi.)


Kung sa bagay, wala namang mawawala sa'kin kung sumulat ako ng tula. Basta, nagawa ko. Ayoko namang paghinayangan na pagdating ng panahon, maiisip kong "sayang". Isa pa, hindi ko naman talaga hinahangad ang tagumpay o ang maging bantog sa larangang ito. Kundi, gusto ko lang na maging parte ng buhay ng isang tao. O 'di kaya'y mag-iwan ng bakas. Kahit man lang sa pamamagitan ng tula.


Kaya naisip ko na i-post na lang sa blog na ito ang mga tula ko. Para naman "hindi mapanis o mabulok ang sustansiya ng tulang nakasipi sa kwaderno." Aminado ako, hindi namna ako magaling sa pagsulat. Maaaring hindi akma ang mga salita, hindi magkapareho ng haba ang mga taludtod at hindi magkapareho ang bilang ng taludtod sa bawat saknong. Pero, muli, ginagawa ko ito upang "mag-iwan ng bakas."


NAIS KONG MAGING ISANG MAKATA

ni Liza Antonio


Nais kong maging isang makata
At magsulat ng mga tula
At nang aking mailahad
Ang nasa aking kalooban

Nais kong maging isang makata
Upang aking maisalaysay
Ang tunay na kahulugan ng buhay
At kung gaano kasarap mabuhay!

Nais kong maging isang makata
Upang aking magabayan
At sa liwanag ay maakay
Ang mga naliligaw sa landas ng buhay

Nais kong maging isang makata
Upang aking mahilom
Ang mga sugat sa puso
At mga peklat ng kahapon

Nais kong maging isang makata
Upang aking maisatitik
Ang awit ng kagalakan
O ang panaghoy ng kalumbayan

Nais kong maging isang makata
Upang maipakita ang hindi nakikita
Upang ibulong ang hindi naririnig
Upang maipadama ang hindi masabi

Nais kong maging isang makata
Nang sa pamamagitan ng matatalinghagang parirala
At sa aking munting paraan
Ay maihayag ko ang Mabuting Balita